KWENTONG ESKWELA
June 3, 2008 at 5:39 pm
Kailanman hindi ako naging model student.
Ako’y isang ganap na sophomore na. Kahapon lang ako natapos mag-enroll. As usual, ako nanaman ang isa sa mga pinakahuling nakakuha ng class card sa block namin. Kahit kelan talaga hindi ako nauuna sa mga bagay eskwela at hindi rin ako ang pinakamabait. I’m the GREAT PROCRASTINATOR! Laging late at isang pasaway na estudyante. Dahil dito naisipan kong mgabalik-tanaw (haha) at isulat ang aking kakaibang buhay eskwela.
KINDERGARDEN
Tatlong taong gulang ako nung unang tumungtong ng paaralan. Saling pusa. Kasabay ko yung auntie kong isang taon lang ang tanda sa kin. Sabi ng lolo namin, kelangan daw naming mag-aral ng mabuti. Matalino ang lolo ko. Bibilhin niya daw ang bawat perfect score na test paper namin. Piso isa. Napakalaking bagay nay yun sakin nun. Hindi ko na to maalala pero kinwento sakin ng auntie ko na mas madami daw ung perfect exams niya. Ang ginawa ko daw, sinunog ko yung iba. Haha. Salbahe!
Limang taon ako sa kinder. Saling pusa. Kinder 1. Kinder 2. Preparatory. Hindi na sana ako magpe-prep, kaso 6 years old pa lang ako. Dehins pa daw pwede sa Grade 1. Salutatorian akong gumradweyt ng kinder. Valedictorian yung bestfriend ko. Nung unang pagpasok ko sa kinder, umiiyak ako sa tuwing aalis na si mama. Teacher kasi ang mama ko at nasanay akong home-schooled. Pagkatapos ng apat na taon, umiiyak nanaman ako, kaming dalawa ni Dyan. Graduate na kami. Mamimiss namin ang unang school teacher namin. Ang unang favorite teacher ko.
Nag-grade 1 at 2 na ako, pero tuwing summer nag-eenroll pa rin kami ni Dyan sa summer class ni Mam Wan.
GRADE SCHOOL
Grade 1 pa lang ako, markado na akong “late comer”. Isang araw, late uli ako, pero ito ang araw na di ko makakalimutan sa grade 1. Napalabas ako ng teacher namin. Umingay daw kasi ang classroom pagdating ko. Si Dyan kasi. Tinanong kung anong baon ko, tanda ko yun. Pretzel at Funchum lang naman. Hmph. Sabi ni Mam Tu, “Get out!” Lumabas ako. Doon lang ako sa may pinto buong umaga. Nakinig pa rin. Ayoko din naman kasing umuwi dahil hindi ko alam kung paano ko ipapaliwag sa tatay ko kung bakit maaga akong nakauwi. Third honor ako nung grade 1.
Ang grade 2 teacher ko ay kapit-bahay namin. Sa grade yatang to nakagawa ako ng pinakamaraming kalokohan. Nakipag-away kami nina Dyan at Rommel sa mga grade 6 dahil hindi nila binalik yung upuan namin pakatapos nilang gamitin sa NEAT. Madalas absent si Mam Tri noon. Pag wala siya, kanya-kanya kaming pili ng lilipatang section. Karamihan sa section 2, may sa 4, wala sa 3, terror kasi teacher dun, yung iba, umuuwi na lang. kami naman ni Dyan sa section 5, kay Mam For. Nakakatawa kasi siyang teacher. Enjoy din kami sa mga estudyante dun na walang ibang ginawa kundi humigop ng Jelly Ace buong araw. Basta masaya dun. Mas natututo ako sa masayang klase. Nung bumalik yung adviser namin, nagalit. Sa section 2 lang daw dapat kami lumilipat. Napa-squat kaming lahat. Mga limang minuto na, ngawit na ako. Minabuti kong sumimple sa pagsandal sa desk. Yari! Nahalata. Napitikan ako sa pwet. Third honor pa rin ako.
Lumipat kami sa Negros pakatapos kong mag-grade 2. Dun na ako nag-grade 3 hanggang 6. Ang mga teacher ko ay naging teacher din ng nanay ko. Constant first honor pa si mama dati. Hay! Kaya naman napakaraming disciplinary actions na ang pinagdadaanan ko kay mama. Sa grade na to ako unang sinabak sa declamation. Ang unang piece, Music Box. Drama yung piyesang yun. Kelangan umiyak-iyak. Umiyak ako. Dahil sa takot sa trainor ko hindi dahil sa kwento. Bangis! Kaya pag may practice sinasama ko lagi si mama. Dalubhasa, grade 5 at grade 6 ang mga katapat ko, galing sa ibang school. Samantalang grade 3 ako at first time ko yun. Siyempre, talo ako. Pero natuwa ako ng sobra. Wala ng torture sessions with my master coach! Bwahahaha! Second honor na ko nung grade 3.
Lola ko ang teacher namin nung grade 4. Recognition day na nung nalaman ko yun. Hindi naman kasi umaatend ng PTA meeting ang mga magulang ko. Recognition day lang sila pumupunta ng school. Eto ang pangalawang taon ko sa declamataion. There’s No Place Like Home, ang title ng piyesa ko. Mas gusto ko to kesa dun sa nauna. Si mama na din ang nag-train sakin. Nanalo ako sa pagkakataong ito. Gusto ko kasi ang character dito, si Tiya Bangege. Makulit. Dito ko din unang nasaulo ang multiplication table. Table of 3 ang favorite ko. Yun kasi ang unang table na na-recite ko ng kumpleto at mabilis. Naimpress mga classmates pati yung teacher ko. Naalala ko din, sa grade na to, hindi kami pwedeng lumabas ng classroom hanggat di tapos ang pinapakopya sa board. Atat na atat na kong umuwi lagi nun, kaya jumbo size, double space at short cut na ang notes. Maging kapani-paniwala lang siyang kumpleto at makalagpas lang ako sa pinto para maka-uwi, itataya ko na lahat. Hanggang ngayon di ko pa din maisip kung bakit pinapakopya pa samin yung mga yun e nasa textbook naman namin yun. Labo! Second honor uli ako nung recognition day.
Two years ago, nabalitaan ko, namatay na daw yung teacher ko nung grade 5. Nakakalungkot. Hinanap ko agad yung from 137 ko. Di ko pa naman yun makakalimutan. Siya ang nagbilang ng saktong tardy days ko, 11 1/2. May reason pa (because of house hold chores). Pag-late kasi ako lagi ko sinasabi na nag-hugas ako ng pinggan, kahit hindi naman (bad, wag tularan) haha.. Naging amusement yung remark na yun sa form 137 ko. Pero sa grade ding ito nakakuha ako ng standing ovation mula sa klase, pero nakaupo sila, pumalakpak lang, tunog standing ovation siya, promise. Narecite ko kasi ang multiplication table 1 to 10. Requirement pa naman ni Sir na dapat nandun ang parent sa araw ng recitation. 98 ang nakuha kong grade dun. Sobrang saya ko, hindi dahil ako ang may pinakamataas na grade kundi dahil dumating si mama. Kahit late siya, nakita niya ko sa harap, alam kong sa mga pagkakataong yun, pinagmamalaki niya ako. Hehe..
Sa Talisay City, Negros, Occidental pa rin ako nga-grade 6 hanggang 1st grading nga lang. Nagkasakit kasi si papa at kinailangan naming pumunta ng Manila. Nahirapan ako dahil running for valedictorian ako sa dati kong school. Hmph. Pero wala din naman akong magagawa. Sa Fourth Estate Elementary School na ko pumasok. 24 sections ang grade 6. Nakakalula. Mataas naman ang grade ko kaya tinanggap ako sa section 1. Ako ang ika-76 na mag-aaral sa section 1. Halos isang buwan na akong di naka-enroll at namurol ng husto ang utak ko. May mga pagkakataong umiiyak na lang ako sa wash room ng new school ko dahil hindi ako makasabay sa klase. Afternoon shift kami. Grade 4 ang gumagamit ng room naming pag umaga. 3rd floor. Room Urduja. Mainit. Mabilis. Siksikan. Matatalino ang mga classmate ko. Isipin mo na lang ang frustration ng isang batang running for valedictorian na makakatanggap ng pinakamabababang grades (mula 81-87) sa buong buhay eskwela niya sa mismong huling taon niya sa elementary. Hay! Pero mababait ang teacher ko dun. Extra alaga ang new comer. Extra terrestrial kasi ako. Nakatulong ng malaki yung English teacher at adviser ko sakin. Salamat Mam Dolly! Naka-graduate din ako. Umiyak din nung graduation. Kahit limang buwan lang ako dun, madami akong natutunan at naging kaibigan. Favorite ko nung grade 6 ang English at Science. Astronomy kasi. Nakilala ko sina Proxima Centauri, Spika, South Star, Big Dipper at marami pang iba. Pati si Smallville. Parang may special time na ginagawad ang adviser namin para sa kwentuhan kung anong nangyari sa last episode ng Smallville noon eh. Hehe..
HIGH SCHOOL LIFE
Ang totoo niyan, gustong gusto kong sa Parañaque Science High School mag-aral. Kaso late na ko for application. Late na naman. Hmp. Madaming pagkakataon talaga ang nasayang ko dahil sa palagiang pagpapabukas. Hay. Nagbakasyon ako sa Bicol. After almost 4 years nasilayan ko ulit ang birthplace ko at ang Mayon. Nag-exam ako sa PGCHS. First screening, 42nd. Second screening, 19th. Mediocre. Di kasi nagreview. Pft. Pero ayos na din, STOC eh. Nakumbinsi ko sina mama na dito na lang mag-aral. Dahil karamihan ng high school sa Manila ay close for application na din, pinayagan ako.
Dumating ang unang araw ng high school. Kilala ulit ng adviser ko si mama. Bakit ba? Hay. Bumait na lang talaga siguro ako dahil ayokong ilagay sa kahihiyan ang mama ko. Extra terrestrial ulit si Elai that time. Classmate ko pala ulit si Dyan. Haha.. Talaga nga naman. Una kong nakilala si Joanne, sabay kasi kami naglunch that day. Classmate ko pa rin siya hanggang ngayon sa Nursing, sabay pa rin kaming nagla-lunch. Hehe.. Naging science quizzer ako. Favorite ko kasi yung teacher ko sa Science and Health. Naging miyembro ako ng Gee Club, Gee 9 ako. Sumali sa ilang poster at slogan making. Rank 11 ako nung first year. Top ten lang may award sa recognition.
Nung second year high school ko nakuha ang una at huling patok! 75. P*t*ng *n*. May sayad kasi yung teacher namin sa subject na yun. Halos kalahati sa klase binigyan ng ganung marka. Dahil lang sa tinutulugan naming ang klase niya. Hay! Si lola ang pinapirma ko nung report card ko nung second grading dahil takot akong ipakita yun kay mama. Tapos na ko ng 2nd year nang makita ni mama ang card ko. Pati yung pirma ni lola sa likod. Hindi rin kasi alam ni lola kung bakit siya ang pinapirma ko dati. Natawa na lang kaming tatlo. Wala na rin naman kasing magagawa pa at binawi ko yun sa mga sumunod na grading. Kalokohan ko talaga, hay... Ito din ang unang taon ko sa campus journalism. Kasama ko si Dyan, wala naman kami ibang ginawa kundi ang manginain imbes na magsulat.
Third year, third placer ako sa Division Science quiz. Minahal din kasi ako nung coach namin, kaya pinagbuti ko din. Sci-Math and pinakamahalagang event sa amin noon. Ito ang mga panahong nakakatulog akong hawak ang reviewer ko at nagigising ako ng madaling araw na nanginginig sa nerbyos. School kasi namin every year ang champion sa third district ng Albay, kaya hay..pressure. Mangiyak iyak din kami tuwing awarding, kesyo talo o panalo, luha pa din ang sagot namin.
Senior year and hindi ko makakalimutang year sa high school. Sino ba naman makakalimot ng huling Valentines Day kasama ang high school sweetheart mo? Sa sangkaterbang pinapaphotocopy mong notes? Teksto teksto araw araw sa Filipino? Pagtakas sa last period? Bonding session sa mga senior teachers mo? Sa mga pagtakas sa graduation practice? Sa first Thursday of the month mass? Sa guard? Sa flag ceremony na halos tatlong beses mo lang inabutan? Sa guidance counselor? Sa bestfriend mo? Sa janitor? Sa huling Sci-Math Competition? Hay… Napakaraming bagay ang kumakabig sa’yo pabalik ng high school. Naging editor ako ng school paper namin, nagsulat ng editorial at mga news bites. Hindi ko din makakalimutan ang pagtitiwalang binigay sakin ni Madam Salceda at ng school paper adviser kong si Mam Bebang. Sa apat na taon, ngayon lang din ako di nag-Science quiz, mas pinili kong mag-defend ng showcase, para maiba naman. Sumali kami sa Intel Science Fair. Kasama ko ang tatlo sa pinakamahahalagang tao sa buhay high school ko. Si Edward, na crush ko pa lang that time (ahaha), si Ate Lei, and best friend ko at si Madam Ohn, coach namin, ang nag-inspire saking maging mas matibay at mabuting nilalang. Salamat sa buong high school at editorial staff! Lalong lalo na kay Ate Lei, na pwede nang gawaran ng sariling column sa school paper sa pagkakawang gawa. Dahil hindi niya iniwan ang Courier hanggang sa kahuli hulihan. Salamat po!
Hindi ko pinagsisisihang sa PG ako nag-aral. Dahil hindi din naman matatawaran ang mga nakilala at natutunan ko dito. Napakarami para ikwento. Di hamak na napakahalaga para maisatitik.
BUHAY BEUEñO, BUHAY KULÉ
Nung isang araw ko lang pala kinwento kay mama yung napalabas ako nung grade 1.
Ngayon ako’y mag-aaral ng Unibersidad ng Bikol. Piniling sumabay sa agos ng nursing students kesa maging aktibong mamamahayag. Gaya ng mga nauna kong desisyon hindi ko tiyak kung tama ang pinili kong ito. Wala daw kasi akong mapapala sa pagsusulat. Hindi ka na nga mabubuhay, malapit ka pa sa panganib. Totoo nga naman. Kahit nga journalism student ngayon eh binabaril na. Hmph!
Ibang-iba ang kolehiyo sa high school. Ibang iba. Talaga. Hindi ka obligado gawin ang mga bagay na kailangan mong gawin nung high school. Walang sasaway sayo. Nasayo kung kelan mo lang gustong pumasok, kung anong araw, oras at kung sinong prof lang ang trip mo. Minsan ganun ako. Ayokong maging model student kung ang ibig sabihin nito ay lagi kang “yes mam, yes sir” - na kahit na alam mong mas nauunang nada-digest ang food bago maging poopoo, sasang-ayon ka sa prof mong nagsabing nasa paligid ng large intestine ang small intestine mo. Hay, robot ka kung ganun! May mga pagkakataong sinusubukan kong itama ang mga pagkakamaling ito. Pero dapat convincing ka. Kung hindi, hindi lang 10 bagsak, kundi 10 tadyak pa ang aabutin mo. Buti naman hindi pa pumapalya ang convincing powers ko.
Second year na ko. Sisikapin kong magsulat muli para sa Publication. Maraming beses na din akong pinanghinaan ng loob pero nakakatuwang isipin na may mag taong dumadating para ikaw ay palakasin sa mga pagkakataong susuko ka na lang talaga. Salamat Ate Jen! Tatlong taon pa, marami pang bagay ang nais kong isulat. Susubukan kong hindi tamarin sa pag-aaral. Maghahanap ako ng maraming dahilan para maging masaya.
Ito na yata ang pinakamahabang post sa blog ko. Madaming kwento kasi ang kwentong eskwela ko. Wala pa to kung tutuusin. Sinulat ko ito para maibahagi ko ang aking buhay eskwela. Hindi ako ganun kabait na mga-aaral, pero naging mabuti akong tao dahil sa mga ito at mga taong nabanggit ko, kahit na yung nagpalabas sakin sa classroom o yung teacher kong nagbigay sakin ng 75. Higit sa lahat, salamat ng napakalaki sa mama ko, ang pinaka-unang guro ko. Bahagi kayo nang kung sino ako ngayon. Hindi ako perpekto. Hindi ako ganun katalino. Hindi ako laging nananalo. Hindi ako teacher’s pet material. Bawat karangalang kinakamit ko, pinaghihirapan ko. Hindi lahat ng alam ko ay galing sa textbooks at silid-aralan.
Kailanman hindi ako naging model student pero hindi rin ako naging ordinaryo.
No comments:
Post a Comment